Proud na proud ang isang tricycle driver mula sa Koronadal City, South Cotabato matapos pumasa sa board exam ang kanyang anak.
Jona Mae Paniza / Photo credit to the owner
Dahil sa kanyang pagkatuwa, pumasada siya nang libre bilang paraan ng pagdiriwang sa pagpasa ng kanyang anak sa 2022 Social Worker Licensure Examination.
Si Jona Mae Paniza, 23-anyos, ay isa sa 2,955 na mga bagong hinirang na social workers sa bansa.
Agad na ibinalandra ni tatay Juven Paniza, 44-anyos ang tagumpay ng anak sa kanyang tricycle at nagbigay ng libreng sakay sa ilang pasahero.
Mabilis na umani ng pagbati mula sa mga netizens ang tagumapay ni Jona.
Sa isang artikulo ng ‘Balita Online’, sinabi ni Jona na masaya siyang maibalik sa kaniyang mga magulang ang mga sakripisyo nila sa kanyang edukasyon.
Walong taon nang nagtatrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia ang ina ni Jona Mae na si Nena Paniza, 44-anyos, habang mula elementarya, noon pa man ay aktibo na sa pamamasada ang ama para sa kaniyang pamilya.
“Bilang isang anak ng isang tricycle driver at mama ko na OFW, na ako po ay nakapasa sa board exam, sobrang saya ko po kasi lahat naman po ng narating ko ngayon ay para po ‘yun sa kanila na simula noong una ay nakasuporta sa ‘kin, sa ’ming magkakapatid,” sabi ni Jona.
Nagbigay rin ng mensahe si Jona para sa kanyang mga magulang.
“Ma, Pa, sa lahat po ng sakripisyo ninyo simula nung una ay nabunga na po lahat. Gusto kulang sabihin na MARAMING SALAMAT SA LAHAT LAHAT ng ginawa nyo para saming magkakapatid. ‘Di ko maabot yung mga pangarap ko ngayon kung wala kayong dalawa.
“God is really amazing kase po ‘di nya tayo pinabayaan at alam ko na kasama natin siya sa lahat ng pagsubok. Dumaan man tayo sa maraming pagsubok sa buhay pero nanatili tayong matatag sa huli. Lahat ng narating ko ngayon ay para to sainyo Mama Nena, Papa Juven, Lola Belen, John at mga kapatid ko,” buong-pusong saad ni Jona Mae.
***
Source: Balita
0 Comments